Nagiging Grade 3 ako na nakapila sa flag ceremony kapag kasama kita.
Yung iba ang kulay ng sikat ng umaga,
iba ang amoy ng bagong floorwaxed na Room III-Narra,
iba ang init sa hapon kasi may langit-lupa.
Nagiging Grade 3 ako kapag kasama kita.
Naaalala ko kasi kung gaano kasaya yung kantang "uwian na!" kapag,
oo nga naman,
uwian na.
Nagiging Grade 3 ako kapag kasama kita
Yung maski mga hantik sa may gumamela hindi nakakawala
o yung burol ng buhangin sa may construction site
Pang-substitute mo na sa clay doh kasi pangmayaman.
Nagiging Grade 3 ako kapag kasama kita
kasi nagiging tunay ang mga tawa ko,
puro ang mga ngiti ko,
back to basics ang mundo,
sakto lang ang tatlong piso.
Nagiging Grade 3 ako kapag kasama kita
Kasi naaalala ko ang mga pakiramdam na nilimot na ng mga taon.
Bumabalik ang mga alaalang nawalay sa bawat panahon.
Nagiging Grade 3 ako.
Kasi kapag kasama kita, bumabalik sa 1995 ang mundo.
Kasi kapag kasama kita, nawawala lahat ng inhibitions ko.
Ganito lang naman kasimple to eh.
Ganito ang ginagawa ng pagibig mo.
Saturday, February 13, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)